My favorite ulam, a Bopis urban legend

Dati talaga paborito ko ang bopis. Noong una ko itong matikman ay sarap na sarap ako dito. Masarsa, malinamnam, kapanapanabik, at lubhang kaaya-aya ang taglay nitong bango.

Photo not mine. An edited version of someone’s photo online. Thank you and credits to you if you recognize that this is yours.

Isang araw, sa labas ng aming paaralan, ay sadya akong nagpunta sa isang sikat na karinderya na itatago natin sa pangalang “Ate Emmssssy”. Aking nasumpungan ang napakabangong luto ng bopis sa kanilang hapag-pilian.

Akin itong itinuro at sinabing, “ate isang ano nga po, bop-pi…”. At bago ko pa natapos ang aking bibigkasin ay napagmasdan ko ang isang namamasyal na ipis sa gilid ng lalagyan ng ulam na bopis.

Tandang tanda ko pa ang mga pangyayaring iyon hanggang ngayon. Katamtaman lamang ang laki ng ipis at halos kakulay na kakulay nito ang bopis. Minsanang muntikan ng mapasawsaw ng ilang ulit ang mga mumunting paa ng ipis sa mamantikang sabaw ng bopis ngunit sadyang magaling bumalanse ang ipis kung kaya’t hindi ito kailanman nadudulas sa paborito kong ulam.

Sa tindi ng aking pag-aalala sa ipis, na ito’y mapahamak at biglang dumausdos sa nasabing ulam, ay hindi ko na nga napigilang sabihan ang tindera at magwikang, “Ate, may ipis po sa ulam”, habang itinuturo ko ang namamaybay na ipis sa may di kalayuan.

Mabilis na kumilos ang mga dalubhasang kamay ng tindera at biglang hinalo-halo nya ang ulam habang sinasabing, “Nasaan? Nasaan ang ipis? Wala naman ah…”, batid ng aleng tindera. Hinalo niya ito ng hinalo hanggang sa ang kahabag-habag na ipis ay naging parte na ng bopis.

Sa aking pagkagimbal ay hindi na ako nakakilos at ang tanging nasabi ko na lamang ay, “magkano po yung fried chicken?”

Magmula noon, hindi na lang ako takot sa ipis, pati sa bopis na rin 😌

Wakas…

Published by The Coffee Junkie

A dad, a data analyst, WFM/project manager, amateur musician, mountaineer, mountain biker, nature lover, beach bum, has a liking for history and some absurd stuff.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.